“Tayo ang bida sa SONA. Sambayanan ang magdedeklara ng katotohanan.”
Ito ang pahayag ni PUP-College of Communication Student Council (PUP-COC SC) Vice President at dating Viva Voce COC President Patricia Loise Labrador sa ginanap na 2023 State of the COCian Address (SOCA) nitong Biyernes, Hulyo 21.
Sentro ng SOCA 2023 ang mga panawagan sa kalayaang pang-akademiko, midya, at ilan pang mga isyung kinakaharap ng administrasyong Marcos-Duterte, bago ihayag ng Pangulo ang kanyang State of the Nation Address (SONA) sa Hulyo 24.
“Kaya naman, Iskolar ng Bayan, sa araw na ito, muli nating pinapaalalahanan na ang SONA ay hindi para ibida ang kasinungalingan at pagwawalang-hiya ng Marcos-Duterte. Ang SONA ay isang malawakang aksyon para [pag-alabin muli] ang laban ng mga Iskolar ng Bayan,” dagdag ni Labrador.
Sa temang “Ang Kabataan at Sektor ng Midya sa Ilalim ng Unang taong panunungkulan ni Marcos Jr.,” kaanib ng inisyatibo ng PUP-COC SC ang iba’t ibang akademikong organisasyon, pampulitikang samahan, at konseho sa PUP na may kani-kanilang solidarity speeches na kumokondena sa mga manipestasyong inaasahang banggitin sa SONA.
Ani ni PUP-COC SC President Ronjay-C Mendiola, sapat na alokasyon sa badyet ng state universities and colleges (SUCs) ang patuloy na isulong ng administrasyon nang maibsan ang “paglipat ng responsibilidad” sa mga mag-aaral ukol sa mga bayarin.
Hinikayat din ni Mendiola ang pag-anib ng kabataan sa mga kilos-protesta na magpapalakas sa mga sektor at mga isyung kinakaharap nito.
“Dagsain natin ang mga lansangan para ipanawagan ang ating karapatan hindi lamang sa edukasyon, kundi para sa sahod ng mga magulang natin, [at] para sa lupa ng mga magsasaka,” dagdag ni Mendiola.
Bilang kinatawan ng sektor ng kabataan, nagkasa rin si Kabataan Partylist representative Raul Manuel ng isang 9-point Youth and People’s Agenda na nagsusulong ng kultural at pang-akademikong pagbabago bilang bahagi ng ‘pagsulong sa tunay na demokrasya.’
“Demokrasya na hindi lamang nangyayari tuwing eleksyon, pero demokrasya na araw-araw isinasabuhay. Demokrasya kasi lahat ay napakikinggan,” saad ng kongresista.
Sa sektor naman ng kampus pampahayagan, binigyang-diin ni Alyansa ng Kabataang Mamamahayag ng PUP (AKM-PUP) Secretary-General Shane Mapesos ang tuwirang epekto ng SUC budget cuts sa pagpondo sa mga kampus publikasyon, tahasang panre-redtag sa mga mamamahayag, at ang pagpapatuloy sa ‘matapang’ na pamamahayag.
“Bilang mga mamamahayag, isa ‘yon sa mga objectives natin—na lumubog tayo sa masa; na iangat ang kanilang istorya sa plataporma na kaya nating maiangat. Dahil tayo may kakayanan, para maipakita natin sa kanila [na] ito ang nangyayari sa labas. Ito ang katotohanan,” diin ni Mapesos.
Sa kabilang banda, naghandog din ng mga talumpati ang iba pang akademikong institusyon sa Kolehiyo ng Komunikasyon, kaisa sa panawagan ng malayang pamamahayag, dagdag sahod sa mga manggagawa, pagratsada kontra mandatory ROTC, sektor ng sining at artes, at iba pang isyung inaasahang matukoy sa pangalawang SONA ng Pangulo.
Kabilang dito ang PUP Broadcircle, PUP Journalism Guild, PUP Advertising and Public Relations Organization of Students (ADPROS), DZMC - Young Communicator’s Guild (DZMC-YCG), COC Ensemble, QUADRO Photoclub, MULAT Documentary Guild, The Communicator, Film Aficionados Circle (FILAC), PUP Communication Society, PUP Circle of Research Enthusiasts (PUP-CORE), Kabataan Partylist PUP-COC, ANAKBAYAN PUP-COC, at SAMASA COC.
Nakiisa rin sa pakikibaka ang ilang organisasyong pang-unibersidad gaya ng PUP Sentral na Konseho ng Mag-aaral (PUP-SKM), PUP Kasarianlan, League of Filipino Students-PUP, Kabataan Partylist PUP, at ANAKBAYAN PUP.
Artikulo ni: Randolf Maala-Resueño
Grapiks:Ma. Criselda Z. Lizada
Comments