Ilang oras bago ang talumpati ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa pangalawang State of the Nation Address (SONA) ng kaniyang unang taon sa Malacañang, dinagsa ng laksa-laksang protestante ang kahabaan ng Commonwealth Avenue sa Quezon City upang ikasa ang ‘tunay’ na SONA ng sambayanan, ang “People’s SONA 2023,” nitong Lunes, Hulyo 24.
Pinuna ng mga progresibong organisasyon at militanteng grupo ang administrasyon matapos hindi banggitin ni Marcos ang panawagan ng mga maralitang sektor sa kaniyang pangalawang SONA, partikular sa usapin ng mas nakabubuhay na sahod, pambansang soberanya, at kontraktwalisasyon ng mga manggagawa.
Matapos simbolikong sunugin ang 'doble-kara' coin effigy ni Marcos sa pangunguna ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN), pinangunahan ng mga lider ng batayang mga sektor ang hanay ng martsa patungo sa bungad ng Tandang Sora Avenue kung saan ikinasa sa harap ng bulto ng kapulisan ang programa ng paglalantad sa ‘tunay’ na estado ng sambayanang Pilipino.
Kasama sa mga nangunang panauhin sa protesta ang mga kongresista ng Makabayan Bloc na sina Representative Arlene Brosas ng Gabriela Women’s Party, Representative Raoul Manuel ng Kabataan Party-list, at Representative France Castro ng ACT Teachers Party.
Iginiit ni Castro sa pagtitipon ang pagsulong ng minorya sa Kamara na maipatupad ang 'substantial' na sahod ng mga manggagawang Pilipino sa pampubliko at pampribadong mga sektor, kaakibat ng pag-apruba ng ₱40 minimum wage hike sa Metro Manila noong Hunyo.
Matapos ang SONA ng Pangulo, pinuna1 ng kongresista ang hindi pagbanggit sa usapin ng taas-sweldo sa kaniyang talumpati sa kabila ng pagiging pangalawa ng isyu sa mga usaping pinaprayoridad umano ng mga Pilipino base sa huling ulat2 ng Pulse Asia.
Binigyang-diin din ng labor lawyer na si Atty. Luke Espiritu ang patuloy na pamamayagpag ng kontraktwalisasyon sa Pilipinas, na hindi umano pinapansin ni Marcos sa unang taon ng kanyang termino.
Aniya, isang "historikal na krimen" ang kontraktwalisasyon sa Pilipinas dahil hindi ito natugunan maging ng mga nagdaang administrasyon at pawang mga malalaking manpower agency lamang ang nakikinabang.
Dahil umaabot sa 80 porsyento ng mga manggagawa sa Pilipinas ay kontraktwal, tila ‘aliping Saguiguilid’ ang mga ito ayon kay Espiritu dahil sa kulang-kulang na pasahod, kawalan ng karapatang makapag-unyon, at pagsiil sa kakayahang makibaka ng sektor.
Kinondena naman ni Pinagkaisang Samahan ng Tsuper at Operators Nationwide (PISTON) National President Mody Floranda ang Oil Deregulation Law, TRAIN Law, at Excise Tax sa mga produktong petrolyo bilang mga 'sanhi' ng pagpapahirap sa sektor ng transportasyon sa bansa.
Iginiit ni Floranda na dapat ibasura ng pangulo ang nagbabadyang ‘bogus’ na PUV modernization program at mas gawing prayoridad ang rehabilitasyon ng mga pampasaherong sasakyan kaysa i-konsolida at i-angkat ang milyon-milyong halaga ng modernisadong mga jeepney sa dayuhang mga bansa tulad ng Tsina3.
Pinuna4 rin ng mga masang tsuper at operator ang pagbanggit ng pangulo sa ‘transportation projects’ ng administrasyon na tila sumasalamin lamang umano sa mga expressway at kalsada para sa pampribadong mga sasakyan.
Bago pa man ang SONA ay tinawag na ni Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) Vice-chair Lucia Capaducio bilang “peste ng magsasaka” si Marcos sa protesta dahil sa patuloy na paglaganap ng local land conversions at labis na importasyon ng bansa sa mga produktong agrikultural sa ilalim ng kaniyang pamumuno.
Ayon naman sa SONA ng pangulo, napatunayan ng administrasyon ang kakayahan ng gobyernong pababain ang presyo ng bilihin kasabay ng maayos na kita ng mga magsasaka dahil sa paglulunsad umano ng Kadiwa program.
“Napatunayan natin na kayang maipababa ang presyo ng bigas, karne, isda, gulay, at asukal. Malaking tulong ang KADIWA stores na ating muling binuhay at inilunsad. [...] Walang dagdag na gastos at patong. Maganda ang kita ng magsasaka. Nakakatipid din ang mga mamimili,” ani Marcos.
Pinabulaanan5 agad ng kilusan ang pahayag dahil pawang kabaliktaran umano ng paglalarawan ng pangulo ang tunay na estado ng pambansang ekonomiya buhat ng mataas na presyo ng bilihin at walang epektong pagbaba ng implasyon.
"Parang taga-ibang planeta si Marcos Jr. sa mga sinabi niyang ito. Patunay lang na hindi talaga alam ni Pangulo at DA Secretary Bongbong Marcos ang tunay na kalagayan ng masa," pahayag5 ni KMP chair Danilo Ramos.
Kasama ang pagpapatibay ng laban tungo sa totong reporma sa lupa, libreng pamamahagi ng lupang pagbubungkalan at pagpapalakas sa pambansang industriyalisasyon ang panawagan ni Capaducio sa pagtitipon.
Pinangako naman ni Marcos sa kaniyang talumpati na mas paiigtigin ng estado ang mga reporma sa lupa at titiyaking mapoprotektahan sa mga smuggler, hoarder, at price fixer ang mga magsasakang Pilipino, kasabay ng pagpapatupad sa New Agrarian Emancipation Act.
Binatikos rin sa programa ni Joseph Vargas mula sa Samahan ng Mangingisda sa Sitio Ilaya (SAMASILA) ang Department of Natural Resources (DENR) sa pagpapahintulot nito ng halos 190 reclamation projects sa bansa, na kalakhan ay nasa Manila Bay, na pumeperwisyo umano sa kabuhayan ng mga mangingisda sa Pilipinas.
“Saan tayo nakakita ng ahensya na para [dapat] pangalagaan ang kalikasan, pero sila ang nag-a-aprub sa pangwawasak ng kalikasan dito sa ating bansa? [...] Bigo ang administrasyon ni Bongbong Marcos na igiit ang ating karapatan diyan sa West Philippine Sea. Ito po ang dahilan kung bakit ang milyong mga mangingisda ay dumaranas ng matinding kahirapan,” ani Vargas.
Hindi rin binigyan ng direktang espasyo ng pangulo ang usapin ng alitan sa West Philippine Sea sa kaniyang SONA na malaki sana ang gagampanan sa kabuhayan ng mga Pilipino sa industriya ng yamang-dagat, lalong-lalo na sa mga komunidad na apektado ng alitan.
Sa likod ng kabi-kabilang hinaing ng sambayanan, nanatiling kampante si Marcos Jr. sa kaniyang perspektibo sa estado ng Pilipinas matapos niyang isiwalat na “malaking bahagi” ng pondo ng pamahalaan ang inilaan ng gobyerno para sa edukasyon, kalusugan, at trabaho—taliwas sa mga diniing salita at panawagan ng bawat sektor at organisadong masa sa naturang protesta.
Article: Chris Burnet Ramos
Graphics: Cathlyn De Raya
Sanggunian:
[1] https://www.tiktok.com/@24oras/video/7259384928444370177
[2] https://www.philstar.com/headlines/2023/07/11/2280299/filipinos-still-most-concerned-about-taming-inflation-pulse-asia-survey
[3] https://www.gmanetwork.com/news/money/motoring/644688/solon-opposes-use-of-foreign-made-jeepneys-in-puv-modernization/story/
[5] https://www.facebook.com/kilusangmagbubukid/posts/320206610337874?_rdc=2&_rdr
Comments