Makailang beses nang umugong ang pangalan ni Cynthia Villar sa mga nakalipas na taon dahil sa mga problematiko, elitista, at matapobreng mga pahayag nito.
Una, noong 2019, matatandaang yamot na pinagsabihan nito ang Department of Agriculture nang malaman niyang malaking bahagi ng National Corn Program ng departamento ang ilalaan para sa pananaliksik.
“Parang lahat ng inyong budget puro research? Baliw na baliw kayo sa research. Aanhin niyo ba 'yung research?” saad nito.
“Ako matalino akong tao pero hindi ko maintindihan 'yung research niyo, lalo na 'yung farmer. Gusto ba ng farmer 'yung research? Hindi ba gusto nila tulungan niyo sila? Bakit ba lahat ng budget niyo research?” dagdag pa niya.
Nakadidismayang mula pa sa isang lingkod bayan nagmula ang problematikong pahayag na ito. Matalino raw siyang tao, subalit taliwas ang lathalang ito sa kung paano niya maliitin ang importansya ng pananaliksik.
Matutulungan nang mas maayos at matutugunan ang mga pangangailangan ng ating mga magsasaka kung dadaan muna sa pananaliksik ang mga plano at programang nakatuon sa kanila. Subalit tila sa isip ng senadora ay aksaya lang sa pera ang pamamaraang ito. Matalino, pero parang ayaw paganahin ang pag-iisip.
Bukod pa sa isyung ito, umugong din ang out-of-touch na pahayag ni Villar noong 2020, kasagsagan ng COVID-19 pandemic, patungkol sa panawagan ng mga medical frontline workers na ibalik ang Metro Manila at ang mga karatig na lugar nito sa ilalim ng enhanced community quarantine (ECQ), at sinabing dapat lamang nilang gawin ang kanilang mga trabaho nang mas mabuti.
“Hindi na siguro. Pagbutihin nila (medical frontline workers) trabaho nila,” sabi nito.
Umani ang pahayag na ito ng pambabatikos mula sa iba’t ibang sektor. Mababa na nga ang sweldo pati ang hazard pay noong mga panahong iyon, maririnig mo pa ang ganitong klaseng sentimento mula sa “public servant” na masarap ang buhay at wala namang ginawa para makatulong sa mga naghihikahos na mamamayan.
Habang nasa hukay ang isang paa ng mga medical frontliners, hindi malabong nagpapakasasa't ligtas siya sa kanyang subdivision.
Ngayong taon nga ay muling inulan ng batikos ang senadora matapos mag-viral ang isang video na makikitang pinagagalitan nito at paulit-ulit na sinasabihan ang mga gwardiya sa BF Resort Village (BFRV) sa Las Piñas City na tanggalin ang gate sa composting facility ng lugar.
Humarap si Villar sa media noong Miyerkules, Abril 26, para sagutin ang mga tanong tungkol sa video.
“I was talking to them to remove the gate because that composting facility is for the public. And they didn’t want to, and they were arguing with me. They have plenty of security guards, and I was alone,” sinabi ni Villar sa mga mamamahayag.
Naniniwala si Villar na may malisyosong layunin sa likod ng pag-post ng video, ngunit tumanggi na itong magbigay ng karagdagang mga komento dahil siya ay kasalukuyang nakikipag-ugnayan sa kanyang mga abogado para sa posibleng legal na aksyon.
“I will go to court,” saad ni Villar sa mga mamamahayag, at idinagdag na natukoy na niya ang taong nag-upload ng video na aniya ay kinuha nang walang pahintulot.
Ngunit, kung hindi nakuhaan ng video ang pang-aalipusta niya sa mga taong mas mababa sa kanya, malaki ang posibilidad na ulitin at patuloy niyang basta-bastahin ang maliliit na mamamayan.
Totoo, may karapatan siyang magsampa ng kaso lalo na’t kinuhaan siya nang walang pahintulot. Subalit sa isang bansang may baluktot na sistema ng hustisya—na pumapabor sa mga mayayaman at may kapangyarihan—magkakaroon kaya ng pagkakataon ang ordinaryong mamamayang nasa likod ng pagkuha ng video na depensahan ang kaniyang sarili?
Ang pagbabadya ni Villar na dalhin sa korte ang kumuha ng video ay nagpapakita ng pag-abuso sa kapangyarihan. Maaari niya namang pagsabihan nang mahinahon ang mga sekyu at tauhan ng BFRV, ngunit mas pinili niyang mag-amok at mag-eskandalo.
Ang pahayag niya noon na “matalino akong tao” ay tila ilusyon lamang gayong nakita ng marami na kung umasta siya ay parang walang pinag-aralan. Pruweba ang pangyayaring ito na ang respeto ay hindi nakukuha dahil lang may posisyon ka, nakukuha ito kung karapat-dapat ka.
Maririnig din sa viral video ang presidente ng BFRV Homeowners Association na nakikiusap sa senador na huwag saktan ang mga security guard, kung saan sumagot si Villar ng “”Bakit, kaya ko bang saktan ‘yan? Ano ‘yan, bakla?”
Binanggit ni Villar ang tila homophobic slur na ito sa harap ng media, bagaman hindi siya humingi ng paumanhin sa LGBTQ+ community na nasaktan sa kanyang pahayag.
Hindi naman mahirap humingi ng pasensya. Kaya niyang mag-amok sa harap ng ibang tao, ngunit ang pagpapakumbaba para sa komunidad na nasaktan niya ay hindi niya magawa. Ang akto niyang ito ay demonstrasyon lamang na wala siyang pagsisisi at may diskriminasyon siya laban sa mga miyembro ng LGBTQ+.
Hindi lang matapobre, insensitibo, at out-of-touch si Villar, isa rin siyang malaking salamin ng pang-aabuso, paniniil, inhustisya, at paghaharing-uri.
Ang tanging hiling ko kung sakali mang matuloy ang pagsasampa niya ng kaso ay mapakinggan nang patas ang magkabilang partido. Sana rin, sa mga susunod pang mga taon, ay hindi na muling mailuklok ang mga pulitikong may bulok na pagkatao. Nawa’y makamit na ng bawat Pilipino ang sistema at gobyernong nakikinig at nakikibaka sa panig ng mamamayan.
Artikulo: Marjorie Ann M. Patricio
Dibuho ni: Darren Waminal
Commentaires