top of page

OPINYON | Serbisyong Pilit: Sagot o Dagdag Pasakit?

Writer's picture: The CommunicatorThe Communicator


Sa isang bayang naninirahan sa ilalim ng demokrasya, ang sapilitang pagpapairal ng kagustuhan ng estado sa mga indibidwal ay nakakaapekto sa buong moralidad ng sistema ng hustisya: salamin ng seryosong banta at hindi paggalang sa integridad nito. Isa itong repleksyon ng pang-aabuso sa kapangyarihan at hindi paggalang sa karapatan ng mga tao na mamili para sa kanilang sarili.





Ngunit sa kasalukuyang panahon, naging palasak na ang “mandatory service”; mukhang ito lang ang nakikitang pangunahing solusyon ng mga nakaupo sa kapangyarihan. Ito nga ba ang solusyon o isang hamak na karagdagang pasanin?


Kamakailan lamang, nagsumite ng panukalang batas sa Kongreso si Malasakit at Bayanihan party-list Representative Anthony Rolando Golez Jr., upang tugunan ang kakulangan ng mga healthcare workers sa Pilipinas. Ang panukalang batas na kilala bilang Mandatory Medical Service Bill o House Bill No. 6232 ay nag-uutos sa mga doktor at nars na magtrabaho muna sa bansa ng isang taon bago mabigyan ng pagkakataon na makapagtrabaho sa ibang bansa.


Ayon sa ulat ng World Health Organization (WHO) na State of the World's Nursing noong 2020, kailangan na taun-taon ay tumataas ng walong porsyento ang bilang ng mga nars upang malunasan ang inaasahang kakulangan na halos anim na milyon pagdating ng 2030.


Noong nakaraang taon, sinabi ng Department of Health (DOH) na kulang ang ating bansa ng halos 106,000 na nars; lumobo na ngayon ang bilang sa 350,000. Kaya naman, walang pag-aatubili ang DOH sa pagsuporta sa naturang bill dahil ito ay malaking tulong sa mga problemang kinakaharap ng bansa.


Subalit, layunin man nito na masiguro na may sapat na bilang ng mga healthcare workers sa bansa, at maipagpatuloy ang pagbibigay ng dekalidad na serbisyong pangkalusugan sa mga mamamayan, maipapakita pa ba ang pagpapahalaga at respeto sa ating mga propesyonal sa medisina kung ang ating sistema ang nagbibigay ng dagdag pasanin at pagpapahirap sa kanila? Demokrasya pa bang maituturing kung pati ang kalayaan nilang mag-desisyon para sa kanilang sarili ay nanghihimasok ang estado?


Sa panahon ngayon kung saan patuloy na tumataas ang mga presyo ng bilihin, dalawang bagay ang kailangang timbangin ng mga healthcare workers—ang praktikalidad at ang paglilingkod sa bayan. Ano nga ba ang mas mahalaga: ang suliranin ng bayan o ang suliraning personal?


Kung mananatili sila sa bansa, maaaring hindi sasapat ang kanilang sweldo upang matugunan ang mga pangangailangan nila at ng kanilang pamilya. Maaaring kailanganin pa nilang magtrabaho ng overtime o maghanap ng karagdagang trabaho upang mapunan ang kakulangan. Kung aalis naman sila, magiging limitado ang bilang ng mga healthcare workers sa bansa, na maaaring magresulta sa sobrang pagtatrabaho o burnout sa mga naiwan.


Isang malaking suliranin nga ang kakulangan sa mga doktor at nars. Ngunit, hindi rin makatwiran na pwersahin silang manatili at maglingkod. Dapat na bigyang respeto ang karapatan ng bawat isang magpasya kung ano ang oportunidad na mas makabubuti para sa kanila.


Hindi naman sa tutol ako sa ginawang batas; sa totoo nga, may mga bentahe ang bill na ito sa ating bansa. Kabilang dito ang mas madaling access sa kalidad na serbisyong pangkalusugan, lalo na sa mga nasa rural areas kung maging sapat ang bilang ng mga propesyonal sa bansa. Bukod pa rito, magbibigay din ito ng oportunidad sa mga bagong lisensyadong propesyonal para sa praktikal na kasanayan, at magkaroon ng karanasan sa iba't ibang medikal na sitwasyon, na magreresulta sa mas magaling na pag-aalaga sa mga pasyente.


Gayunpaman, kung nais talagang solusyunan ng gobyerno ang matagal nang problema sa brain drain, hindi ba mas makabubuti kung solusyunan mismo ang ugat ng problema na nagtutulak sa mga healthcare workers para maghanap ng oportunidad sa ibang bansa? Ang ilan sa mga ito ay ang mababang pasahod, kontraktwalisasyon, mga hindi naibibigay na benepisyo, at hindi magandang kondisyon sa pagtatrabaho tulad ng bulok na pasilidad at kagamitan. Kapag nabigyang solusyon ang mga pagkukulang na ito, hindi na natin kailangan pang pwersahin ang mga doktor at nars na manatili sa ating bansa.


Hindi kailanman magiging pangmatagalang solusyon ang sapilitan at obligadong pagpapaserbisyo sa ating mga healthcare workers dahil hindi naman nito nasasagot ang tunay na ugat ng problema. Ang totoong tanong ay hindi lang kung paano sila mapapanatili sa bayan; hindi lang sa kung papaano sila mapipilit; kung hindi bakit sa halip na manatili ay ninanais nilang lumuwas? Dahil hindi naman sila aalis dahil ginusto nila — napipilitan lamang sila dahil sa kakulangan ng sahod, suporta, at oportunidad na maaaring makuha sa Pilipinas.


Datapwat, kung sakaling maipanukala ang batas, kailangang magkaroon ng maayos na alituntunin at mekanismo upang matiyak na walang malalabag na karapatan at maipatutupad ito nang patas. Dagdag pa rito, kailangang magkaroon ng epektibong plano upang matugunan ang ugat ng problema. Gayundin ay bigyan ang healthcare workers ng nakabubuhay na sahod, dagdag na benepisyo, at maayos na kondisyon sa pagtatrabaho na nararapat para sa kanila.


Artikulo: Kent Merrie Jade A. Mejares

Dibuho ni: Darren Waminal


21 views0 comments

Recent Posts

See All

Comentarii


bottom of page