top of page

OPINYON | Kung Paano Naipit si Juan

Writer's picture: The CommunicatorThe Communicator


Nagsimula kamakailan ang 38th Balikatan exercise, isa sa mga pinakamalaking military activities sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos. Binubuo ito ng 12,200 US Troops, 100 Australians, at 5,400 sundalong mula sa Armed Forces of the Philippines (AFP). Layunin nitong palakasin ang sandatahang lakas ng Pilipinas at pagtibayin ang relasyon nito sa Estados Unidos. Ngunit para sa mga Pilipinong nagmula sa iba’t ibang sektor, nangangamba sila sa maaaring epekto ng aktibidad na ito.




Ngayong taon, isa sa pagtutuunan ng pansin ang pagpapalakas ng maritime power ng bansa na kung saan magsasagawa ng malakihang sea combat simulation sa bayan ng Ilocos Norte. Dahil dito, maaapektuhan ang kabuhayan ng mga mangingisdang Pilipino sa nasabing lugar. Ipinatupad ang polisiyang nagbabawal sa kanila para pumalaot sa mga lugar na pangyayarihan ng "live-fire" exercises.


Ayon sa progresibong grupong Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (PAMALAKAYA), hindi katanggap-tanggap na pagbawalan ang mga mangingisda na manghuli dahil sa Balikatan exercise.


Ang ilang araw na sapilitang pahinga ay malaking pahirap para sa mga mangingisdang ito lamang ang hanapbuhay. Saktong itinapat pa ito sa panahong marami ang nahuhuling isda. Dagdag pa na dahil sa presensya ng naglalakihang sasakyang pandigma na nagtataboy sa mga isda, ilang araw ng matumal ang huli bago pa man ang nakatakdang araw para sa “no sail policy.”


Para sa mga taong hindi sigurado ang kita araw-araw gaya ng mga mangingisda, malaking bagay na masamantala ang masaganang panahon. Sa kasamaang palad, ang kabuhayan nila ay apektado at patuloy na maaapektuhan dahil sa iiwanang bakas ng isinasagawang war games sa karagatan.


Ang mga pandigmang sasakyan na ginagamit ay naglalabas ng mga kemikal na lumalason sa karagatan. Habang ang mga naglalakasang armas at pampasabog naman ay maaaring makasira ng mga coral reefs na siyang tahanan ng mga isda.


Taong 2013 ng mangyari ang isa sa pinakakontrobersyal na insidente nang illegal na pasukin ng US navy ship ang Tubbataha Reef. Ipinagbabawal ang presensya ng anumang barko rito para mapangalagaan ang ganda ng lugar na kinilala sa buong mundo at napabilang sa UNESCO World Heritage site. Subalit, dahil sa kapabayaan at paglabag ng mga Amerikanong sundalo, inararo ng kanilang sinasakyang barko ang coral reefs ng makasaysayang lugar. Bagama’t nagbayad sila ng salapi para sa idinulot na pinsala, hindi nito maibabalik ang dating katayuan ng Tubbataha.


Halos apat na dekada nang isinasagawa ang Balikatan exercise na bunga ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) na siyang pinalakas naman ng Visiting Forces Agreement (VFA). Ito ang dahilan kung bakit normal at malayang nakagagalaw ang mga Amerikanong sundalo sa bansa.


Ang kalayaang ito ang naging sanhi ng ilang kaso ng pang-alipusta at pagkitil sa mga kababayan nating Pilipino. Isa rito ang kalunos-lunos na pagpatay ng Amerikanong sundalo na si Joseph Scott Pemberton kay Jennifer Laude. Hinatulang guilty si Pemberton subalit imbes na ipiit sa kulungan, dinala ito sa Camp Aguinaldo at duon nanatili ng halos anim na taon. Pagkatapos nito, binigay sa kanya ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang ganap na kalayaan sa ‘di maintindihang dahilan. Isang kriminal na nakatakas sa kanyang karumal-dumal na krimen dahil lamang siya ay Amerikano.


Ang mga karahasan, polusyon sa kalikasan, at suliraning pangkabuhayang nabanggit ay bunga ng layuning paigtingin ang sandatahang lakas ng bansa sa pamamagitan ng pagpapalakas ng presensya ng mga Amerikanong sundalo sa loob ng bansa.


Hindi maikakaila na kailangan ng Pilipinas palakasin ang pwersa nito para sa banta ng paniniil ng mga mapang-abusong bansa. At ang pakikianib sa ibang bansa ay isang paraan para makamit ito. Ngunit hindi dapat naiipit ang mga karaniwang Pilipino sa desisyong ginagawa ng gobyerno. Para saan pa ang mga naglalakasang armas at kaalamang pangdepensa kung ang bayang nais na protektahan ay lugmok sa ‘di makatarungang sistema?



Artikulo: Glen Kerby U. Dalumpines

Dibuho ni: Aira Shandy Dagohoy


39 views0 comments

Recent Posts

See All

Comentários


bottom of page