top of page

OPINYON | Huwad na Hulma ng Kalayaan

Writer's picture: The CommunicatorThe Communicator

Sa kasalukuyang araw at parehas na petsa, ipinagdiriwang ang World Press Freedom Day. Kasabay ng pagdiriwang nito ang pag-alaala natin sa mga kapwa peryodista at mamamahayag na nakaranas ng inhustisya at kamatayan sa kamay ng mga naghaharing-uri. Tuwing sasapit ang araw na ito, nasisilayan at nasisilip din natin ang huwad na hulma ng sinasabi nilang kalayaan.





Ngayong taon, gaganapin ang World Press Freedom Day sa headquarters ng United Nations (UN) sa New York. Ito’y bilang paggunita sa ika-30 taon ng proklamasyon ng UN sa International Freedom Day. Sa ilalim ng temang, ‘Shaping a Future of Rights: Freedom of expression as a driver for all other human rights,’ sasalaminin sa naturang diskusyon ang kahalagahan ng Freedom of Expression upang maprotektahan natin ang ating mga karapatang pantao.


Ang kalayaan sa pamamahayag ay siyang sumisimbolo sa patas na karapatan at epektibong demokrasya sa isang pamayanan. Bitbit ng araw na ito ang mga hangarin at hiyaw ng mga mamamahayag na humihingi ng hustisya kapalit ng binuwis nilang buhay para sa katotohanan.


Ang pagtanggap ni Maria Ressa, CEO ng Rappler, at Dmitry Muratov, Russian journalist, sa Nobel Peace Prize noong 2021 ay sumasagisag sa kahalagahan ng kalayaan sa pamamahayag. Gayunpaman, ang mga parangal na ito ay isa lamang bahagi ng mas malalim na ugat ng problema ng kaharasan at pag-atake sa mga peryodista’t mamamayang sinusubukang bumoses ng katotohanan.


Ayon sa pag-aaral ng Statista, mahigit 57 na mamamahayag sa buong mundo ang namatay sa taong 2022. Samantala noong 2014 hanggang 2019, halos 1,500 na mga peryodista naman ang naaresto at hiwalay pa rito ang mahigit 400 na dinukot.


Naitala rin ng UNESCO na karamihan sa mga peryodistang ito ay hindi sa loob ng mga opisina binabawian ng buhay kung hindi sa labas ng kanilang mga trabaho, sa gitna ng daan at kalsada, sa kanilang mga sasakyan, minsan pa nga’y sa sarili nilang mga tahanan at sa harap ng kanilang mga pamilya.


Ilang taon na rin ang nakararaan matapos tanggalan ng prangkisa ang ABS-CBN na nag-resulta sa kawalan ng trabaho ng ilang libong manggagawa nito kasama ang mga mamamahayag. Isama pa rito ang pagiging biktima ng mga peryodista sa red-tagging na ginagamit upang patahimikin sila.


Idagdag pa rito ang paggamit ng disimpormasyon at misimpormasyon laban sa mga peryodista at kakayanan ng mga itong magpalaganap ng katotohanan.


Ito ang huwad na katotohanan sa likod ng tinatawag nilang kalayaan sa pamamahayag. Nanganganib ang tunay na kalagayan ng pamamahayag at mga mamamahayag ng bansa. Ito ang humuhulma hindi lamang sa kinabukasan ng pamamahayag kung hindi pati na rin sa demokrasya ng bansa.


Kadalasan man nating naririnig mula sa publiko na nasobrahan ang mga peryodista sa kalayaan, hindi nito mababago ang katotohanang malaya ang pamamahayag sa bansa dahil may mga mamamahayag na lumalaban upang maging malaya. May mga lumalabas sa lansangan upang manawagan at makihalubilo sa masa upang bigyang boses ang mga inaalipusta.


Ang paglaban para sa lehitimong kalayaan sa pamamahayag, karapatan ng masa, at demokrasya ng bansa ay nangangailangan ng sapat na tapang at kasigasigan. Ang laban ng mga peryodista’t mamamahayag ay laban din ng masa. Ang araw na ito ay hindi lamang isang selebrasyon kung hindi isang protesta upang masilip at masiyasat ang huwad na hulma ng kalayaan at katotohanan.



Artikulo: Patricia T. Lanzagarita

Dibuho ni: Aira Shandy Dagohoy


43 views0 comments

Recent Posts

See All

Kommentare


bottom of page