Para sa isang mamamayang naninirahan sa payak na tahanan, ang mabuhay ng marangal at walang inaapakan ang laging pinapabaon ng mga magulang. ‘Di bale nang magutom, huwag lamang gumawa ng masama para lamang sa personal na interes sapagkat walang puwang ang panlalamang at karahasan sa lipunan.
Ngunit sa panahon kung saan ang mga karaniwang mamamayan ay ginigipit at pilit isinasadlak sa mga kasalanang may pribilehiyo't mga nasa kapangyarihan ang may gawa, sapat pa bang kapitan ang katagang, “Basta alam mong ikaw ay mabuti, hustisya'y iyong magiging kakampi”?
Sapat pa bang sabihin na ang justice system ng ating bansa ay "fully functioning," gaya ng pahayag ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. kamakailan, kung isinasampal na ng lipunan ang hindi mabilang na kawalan ng hustisya at hindi patas na usad nito sa mga pangkaraniwang Pilipino?
Matatandaan kung paano itinakda ang laro ng hustisya sa panahon ng administrasyong Duterte. Winakasan ng extrajudicial killings (EJK) ang pangarap ng mga kabataang naging biktima nito. Isa na rito si Kian Delos Santos, isang binata sa Caloocan na walang awang pinagbabaril ng kapulisan dahil napagbintangan itong isang drug runner, at ‘di umano'y nanlaban sa naturang operasyon noong 2017. Ngunit makalipas ang anim na taon, si Kian ay nananatili pa ring isa sa mga libu-libong biktima ng kawalan ng hustisya; at ngayong taon lamang nadiskubre na ang kanyang mga labi ay hindi sumailalim sa maayos na otopsiya.
Kung karahasan ang sagot ng mga nakaluklok, sila pa ba'y dapat ituring na kakampi sa pagpapatupad ng batas? Iniluluklok natin ang mga namumuno upang hulmahin ang bansa na maging mapayapa. Hindi sila nasa posisyon upang abusuhin ang kapangyarihan, at gamitin para manggipit pa ng mga taong biktima na ng opresyon.
Sa kabilang banda, ang mga taong may pribilehiyo at kapangyarihan ay mabilis lamang nalulusutan ang mga kasong inihain laban sa kanila. Patong-patong na counts of graft and corruption man ang kanilang harapin, pagdating sa eleksyon, makikita natin na sila ay kwalipikado pa rin. Dagdag pa rito ang drug case na kinasangkutan ni Juanito Jose Remulla, anak ni Justice Secretary Boying Remulla, na ganoon na lamang kabilis na-abswelto. Kung titingnan, tila bilang lamang sa kamay ang mga sandaling nilaan nila sa tanikala ng kanilang mga kasalanan.
Samantala, ang mga niyuyurakan gaya ni dating Senador Leila de Lima, dahil sa kanyang masidhing pagpahahayag ng oposisyon sa nakaraang administrasyon ay naging mitsa upang siya'y madiin sa isang kasong gawa-gawa lamang para siya’y patahimikin. Kalaunan ay umamin din naman ang prime witness nito na si Rafael Ragos, former acting chief ng Bureau of Corrections (BuCor), na sila'y pinilit lamang upang magbigay ng testimonya laban kay de Lima. Sa kabila nang pag-amin ni Ragos, nananatili pa rin sa loob ng bilangguan si de Lima. Mga panahon na sana'y naigugol niya sa marami pang bagay kung mabilis lamang ang agos ng hustisya sa ating bayan. Dagdag pa rito ang pilit na pagmamanipula na ang hostage taking na naganap sa kanya ay isa lamang "stage play" upang siya'y kaawaan ng madla. Bagay na tila ginagamit ng mga makapangyarihang nais burahin ang masalimuot na kalagayan ng bayan.
Ang mga kasong ito ay iilan lamang na patunay kung gaano patuloy na lumalabnaw ang sistema ng hustisya sa ating bayan. Mabagal sa mga walang kakayahan at mailap sa mga tunay na nangangailangan. Hustisya'y dapat walang kinikilingan sa lahat ng oras. Hindi na sapat na maging mabuti lamang upang ito'y iyong maging kaagapay. Samahan mo na rin ito ng tapang at paninidigan na kahit pa idiniriin ka ng kapalaran ay patuloy pa rin ang laban. Sa patuloy na paglabnaw ng hustiya, may kalayaan kang ito'y wakasan at maging boses ng masang nangangailangan.
Artikulo: Alexa S. Franco
Dibuho ni: Rinoa Aranzanso
Comments