
Malaking bahagi ng kasaysayan ng Pilipinas ang 1986 EDSA People Power Revolution, kung saan pinabagsak ng sambayanang Pilipino ang diktaduryang Marcos, kaya suntok sa buwan ang ginagawang pagbaon nito sa limot dahil ang diwa ng EDSA ay higit pa sa petsang nakapula sa mga kalendaryo.
Ngayong taon, iginugunita natin ang ika-39 na anibersaryo ng EDSA People Power Revolution, bitbit ang pangako at pamana ng makasaysayang pag-aalsa na nagpatalsik sa diktador na lumapastangan sa karapatang-pantao ng libo-libong Pilipino noong rehimeng Marcos. Ang EDSA ang naging tanda ng pagbabago—saksi ng tagumpay mula sa panunupil ng isang mapagsamantalang tao—at pagkakaisa na pinairal ng taumbayan para sa kalayaang tinatamasa ng lahat hanggang sa kasalukuyan.
Ilang araw bago gunitain ang EDSA I, idineklara ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos bilang special working holiday ang February 25. Hindi malayo at hindi naiiba sa mga nakaraang taon, tulad noong 2023 kung saan inilipat niyang February 24 ang komemorasyon bilang non-working holiday at noong nakaraang taon kung kailan tinanggal naman niya bilang legal holiday ang araw . Isang petsa sa kalendaryo na may malalim na kasaysayan sa bansa.
Hindi maitatanggi na ito ay isang paraan ng historical distortion ng administrasyon upang linlangin at tuluyang malimutan ng taumbayan ang diwa ng People Power Revolution. Dahil kahit saang anggulo man natin tingnan, ama pa rin ng Presidente ang sinuka ng rebolusyon ng EDSA. At maging noon pa man lantarang ipinapabatid ng pangulo ang layunin nito sa pagtakbo —linisin ang pangalan ng pamilyang Marcos.
Bagamat lantarang pambabastos ang ginawa ni Bongbong Marcos sa mga kritiko ng pamilya niya lalo na sa mga katolikong naging malaki ang parte sa rebolusyon, hindi natinag ang mga unibersidad, partikular ang mga top catholic school tulad ng Unibersidad ng Santo Tomas (UST), De La Salle Universities (DLSU), at marami pang iba, upang magbigay daan sa paggunita ng People Power, at sariwain ng mga mag-aaral ang diwa ng nagpalaya sa bayan.
Sa kabilang banda, kakatwa na may mga unibersidad pa rin piniling hindi magsuspinde, tulad ng Unibersidad ng Pilipinas (UP) na ipinahayag lamang ang kondukta ng “Alternative Learning Day” sa lahat ng kampus ng UP. Maging ang Sintang Paaralan—Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas (PUP), ay nananatiling tahimik at hindi nag suspinde ng klase. Anong klaseng mga administrasyon ang nagpapatakbo sa paaralan ng mga Iskolar ng Bayan na mula noon ay lumulubog na sa lansangan?
Insulto sa militanteng pakikibaka ng Sintang Paaralan ang hindi pag suspinde ng klase sa pamantasan. Limot na ba natin ang mga desaparecido na kinabibilangan ni Carlos “Charlie” del Rosario, o ang progresibong pangulo ng PUP na si Dr. Nemesio Prudente na tumindig sa gitna ng masalimuot na batas militar upang lumaban para sa bayan kapalit ang kanilang buhay at kalayaan?
Nakakadismaya na ang mga unibersidad na siyang nagluwal ng mga martir at bayani na lumaban sa diktaduryang Marcos noon at patuloy na nagluluwal ng mga Iskolar ng Bayan na nananatiling kritiko ng mga administrasyon sa kasalukuyan ay basta-basta na lamang sumusunod sa sistemang layon ay burahin at kalimutan ang diwa ng EDSA.
Maaaring mamutawi sa perspektibo ng ibang tao na hindi naman mahalaga ang suspensyon ng klase dahil ang pag-alala ay hindi nangangailangan ng pagliban sa klase o sa trabaho. Subalit hindi ba mas nakakapangamba kung ang pag-alala sa mahalagang parte ng kasaysayan ay hindi tatagal ng limang minuto o dahil nai-post mo na sa social media? Dahil sa ganitong paraan mas nababawasan ang bigat ng pagkilala at pagpapahalaga sa araw ng paggunita—at kung magpapatuloy ang ganitong sistema hindi malabong makalimutan na lamang ang EDSA.
Ang February 25 ay higit pa sa isang petsa, ito ay simbolo ng patriotismo mula sa mga taong pinatay at naging biktima ng rehimen noon, hanggang sa mga taong bumubuhay ng diwa nito sa kasalukuyan.
Sa taktika ng pangulo, pinapakita lamang nito kung gaano kalaki ang impluwensya ng kapangyarihan at katungkulan upang baguhin ang kasaysayan. Ngayong tatlong taon na niyang sinusubukan burahin ang mga datos ng biktima ng diktaduryang Marcos, marapat lamang na tutulan at patuloy na ipaglaban ang araw ng paggunita sa People Power.
Sa paglaganap ng mga trolls na nagpapakalat ng mga fake news, historical distortion at historical revisionism sa bansa tungkol sa EDSA, mahalagang inaalala ang parteng ito ng kasaysayan upang hindi ito tuluyang mamatay at maipasa pa sa mga susunod na henerasyon na pag-asa ng bayan.
Bukod pa rito, mas nararapat na bigyang-pansin ang mga problema ng lipunan na naglulugmok sa atin kaysa pakialamanan ang mga petsang isinulat ng kasaysayan. Bakit hindi unahin ang mataas na presyo ng bilihin, ang napakamahal na singil sa tubig at kuryente, ang patuloy na hidwaan sa West Philippine Sea, ang hustisyang hindi pa rin nakakamtan ng mga biktima ng extrajudicial killings, at maging ang impeachment case ng kanyang bise presidente Sara Duterte?
Dapat malaman ng pamahalaan na hindi kailangan ng mga makabayang Pilipino ang suspensyon ng klase o trabaho upang lumubog sa bawat sulok ng lansangan patungo sa kahabaan ng EDSA.
Higit sa lahat, dapat maunawaan ng taumbayan na ang EDSA People Power ay hindi tungkol sa mga pamilyang nagbabanggaan sa politika, hindi ito petsa lang na hinugot sa kalendaryo basta-basta, kundi isang alaala ng pagkilala sa libo-libong dugong dumanak sa madilim na kasaysayan ng bansa. Tungkol ito sa mga Pilipinong hindi natakot lumaban para makamit natin ang pinakamataas na uri ng kalayaan na mayroon ang bawat isa.
Kaya tandaan ng administrasyon na buhay ang EDSA—kahit sino mang presidente ang umupo at subukang burahin ito sa kasaysayan. Ang diwa ng People Power Revolution ay hindi nakakulong sa isang pahina ng kalendaryo, ito ay nananalaytay sa dugo ng mga Pilipino. Mananatiling sa taumbayan ang araw na ito dahil ang bayang pinalaya ng rebolusyon ay hindi kailanman makakalimot sa opresyon.
Artikulo: Roselle Ochobillo
Comments