top of page

LIFESTYLE & CULTURE | IT'S A FACT: Nasaan na ba si Juan?

Writer's picture: The CommunicatorThe Communicator

Taong 2022—taon kung kailan nagkaroon ng pagkakataon si Juan na pumili kung siya'y magpapatuloy o magbabago. Mahabang panahon din ang hinintay subalit mukhang hindi pa niya kayang kumawala sa tanikalang inilulugmok ang kanyang buhay sa kahirapan. 



Bagaman nararamdaman ni Juan ang mahigpit na pagkakagapos ng kinakalawang na bakal sa kaniyang mga paa, hindi niya batid ang hapdi at pinilit pa ring magpatuloy habang bitbit ang sakit at bigat nito.


“Pag-isipang mabuti”—ito ang karaniwang bilin kay Juan. Kung tutuusin halos dumugo na ang tainga niya sa paulit-ulit na paalalang maging maingat, matalino, mausisa, at maalam sa lahat ng bagay. 


Kaya’t sa bawat desisyong ginagawa niya ay may kaakibat na takot at pangamba dahil dito nakasalalay ang kaniyang kinabukasan. Sabi nila, matanda na siya—tiyak, alam na ang tama sa mali.


Subalit, bakit 'tila taliwas ang nangyari kay Juan? Bakit nagiging tama ang mali at ang mali ay nagiging tama sa kanya?


Ngayon, ang mga naturingang katotohanan ay kaduda-duda na. 


Ang mga impormasyong nakasulat sa libro, mga datos na dumaan sa masusing pag-aaral, at maging ang sariling kasaysayan ay naging palaisipan na sa karamihan. 


At ang batayan upang masabing kapani-paniwala ang isang usapin ay kung ito ay "trending" o usap-usapan sa internet.


Kung tutuusin, matagal nang daing ni Juan ang pagbabago kaya’t agad siyang nagtiwala at naniwala sa mga kanyang mga nababasa at nakikita sa social media. Sa samu't saring impormasyon na kanyang madadaanan, siguradong may pagkakataon na siya ay mapatatanong, mahihikayat, magtataka, o 'di kaya’y maniniwala.


Ngunit dahil mas pinili ni Juan na paniwalaan ang mga salitang "too good to be true," hanggang ngayon ay naghihintay pa rin siya—nag-aasam na sa susunod na oras, araw, buwan o taon ay mangyayari ang mga ito.


“Magtiwala lamang”—isa rin ito sa mga paalala kay Juan. Katulad ng isang isda na sumasabay sa agos ng tubig, kailangan ay sumabay at hayaang dalhin ng kapalaran ang buhay. Sa bagay, hindi na bago ito sa kaniya, marahil ay nasanay siyang tanggapin na lamang na kung ano ang mangyayari ay magyayari.


Subalit bakit ang pagtitiwala para kay Juan ay nagiging bulag na pagsunod?


Gaano man kalinaw ang ipinapahiwatig ng mga datos tungkol sa mga kasalukuyang isyung kinakaharap ay kibit-balikat na lamang na pinalalampas. 


Kahit man mababanaag sa buhay ng bawat mamamayan ang nakapanlulumong sitwasyon ng lipunan ay tila ayos lang para sa ilan basta't hanggang nagtitiwala ay makakaya rin ang pagsubok na ito.


Dahil sa labis na pagtitiwala, nawawalan ng kakayahan si Juan na masilayan ang tunay na kalagayan ng kanyang buhay. Kahit man harap-harapan nang pinagkakaitan ng karapatan at pangunahing pangangailangan ay patuloy pa rin siyang kumakapit sa mga taong inaakala niyang pag-asa.


Sampal man sa mukha ni Juan ang hirap na dinaranas niya ngayon dahil sa baluktot na pananaw ay patuloy niyang itatanggi ang kahirapang pilit niyang ipinamumukhang pagbabago.


Nakapanlulumo ring isipin na unti-unting nawawalan ng puwang sa bokabularyo ng ilan ang mga peryodista na patuloy na ginagampanan ang sinumpaang tungkulin. Ang mga alagad ng midya na dapat karamay sa pagtuklas ng katotohanan at pagsupil ng maling impormasyon ay ngayong itinuturing na sinungaling.


Malayo na nga ang nararating ni Juan. Sa kaniyang ipinamamalas na katatagan, positibong kaisipan, at walang humpay na pag-asa ay walang duda na malayo ang mararating niya.


Ngunit kung patuloy niyang babaybayin ang landas na kaniyang tinahak nang walang pagtatanto at pagbabago, ang paglalakbay na ito ay mananatiling paulit-ulit, walang kabuluhan, at walang patutunguhan.


Ika nga ni Gat Jose Rizal, “Ang hindi lumingon sa pinanggalingan ay hindi makararating sa paroroonan." Kaya’t sa biyaheng ito, ang pagtanggap sa nakaraan at pagkatuto sa mga kabiguan ng kahapon ang tanging daan upang makarating sa inaasam na destinasyon. 


Artikulo ni: Yzabelle Jasmine Liwag

Grapiks: Hannah May Manalo

4 views0 comments

Comments


bottom of page