Mula sa pagbuo ng opinyon hanggang sa paggawa ng mga desisyon, malaki ang gampanin ng mga balita sa araw-araw na pamumuhay ng mga mamamayan. Ngunit paano kung ang mga impormasyon sa paligid ay hindi naman pala tama at totoo?
Ang patuloy na paglaganap ng mga maling impormasyon, o mas kilala sa tawag na “fake news”, ay isang malaking suliranin sa bansa. Ayon sa datos ng Pulse Asia, siyam mula sa sampung mga Pilipino ang naniniwala sa pahayag na ito.
Sa nagdaang mga taon, naging tahanan ng mga mapanlinlang na impormasyon ang bansa. Sa mga taong din ito, hindi tumigil ang mga kasapi ng katotohanan upang ito ay ipaglaban. Bilang selebrasyon sa nagdaang International Fact-checking Day, narito ang lima sa pinakamalalaking disinpormasyon sa bansa at ang katotohanan sa likod ng mga ito:
Gintong Marcos: Katotohanan sa Likod ng Tallano Gold
Bukod sa kanilang malaking bahagi sa madilim na kasaysayan ng bansa, ang pamilyang Marcos ay kilala rin sa pagkakaroon umano ng tone-toneladang ginto na kilala bilang “Tallano Gold.” Ayon sa mga kuwentong-bayan, ipinagkatiwala umano ng isang royal na pamilyang Tallano ang mga ginto sa mga Marcos at ito raw ang pinagmulan ng yaman ng pamilya.
Dagdag pa rito, hindi lamang mga tagasuporta ng mga Marcos ang nagpapakalat ng impormasyon na ito, makikita rin ito sa website ng politikal na partidong Kilusang Bagong Lipunan— na itinatag ng dating pangulo at diktador na si Ferdinand Marcos Sr.
Totoo ba ito? Ayon mismo sa mga Marcos, hindi.
Noong kasagsagan ng kampanya para sa pagkapangulo, naglabas ng pahayag ang kasalukuyang pangulo at anak ng dating diktador na si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. tungkol sa isyu.
“Sa buong buhay ko, hindi pa ako nakakita ng gold na ganyan. Marami akong kilala na kung saan saan naghuhukay pero ako wala pa akong nakikita na kahit anong klaseng gold na sinasabi nila.” saad niya sa panayam ng One News PH.
Bago pa man ito, noong 2018, ganito rin ang naging saad ni Senadora Imee Marcos— kapatid ng kasalukuyang pangulo, sa kanyang naging panayam sa “The Chiefs” ng One News PH.
Sa kasalukuyan, nananatili ang mga kuwento tungkol dito bilang pawang mga alamat lamang.
2. “Golden Era” sa Mata ng Katotohanan
Isa pang popular na istorya sa bansa ay ang konsepto ng “golden era” noong panahon ni dating pangulong Ferdinand Marcos Sr., partikular sa panahon ng Batas Militar. Ayon sa mga kwento na pinaniniwalaan ng marami, tahimik, maganda ang buhay, at disiplinado raw ang mga tao noong mga panahong ito.
Ngunit taliwas ito sa mga datos at tala ng kasaysayan.
Ayon sa tala ng World Bank and Organization for Economic Cooperation and Development, bagaman nagtala ng ilang mga paglago sa Gross Domestic Product (GDP) ng bansa sa unang mga taon ng pamumuno ni Marcos Sr., sinundan naman ito ng matinding pagbagsak ng ekonomiya. Noong 1984 at 1985, ilang taon bago mapatalsik ang diktador, umabot sa -7.32% at -7.037% ang GDP ng Pilipinas.
Kasunod pa nito, nabaon din ang bansa sa napakalaking utang. Bago umupo si Marcos Sr. sa pwesto noong 1961, ang bansa ay mayroon lamang $0.36 bilyon na utang. Ngunit pagsapit ng 1986, bago mapatalsik ang pangulo, umabot na ito sa $28.26 bilyon.
Dagdag pa, habang nakalubog ang bansa sa matinding kahirapan, nalulunod naman ang pamilya ni Marcos sa ninakaw na yaman. Bumaba sa halagang P35 at P23 ang pang-araw-araw na kinikita ng mga “skilled workers” at mga manggagawang walang pagsasanay sa paaralan noong 1986, mula sa P127 at P89 noong 1962. Samantala, nakapagbulsa naman ang pamilya ng limang bilyong dolyar hanggang sampung bilyong dolyar sa dalawang dekadang pananatili sa Malacañang.
Panghuli, hindi lamang ekonomiya ang namatay noong mga panahong ito. Ayon sa rekord ng Philippine Star, umabot ng 107,240 ang naitalang biktima ng mga pang-aabuso sa karapatan; 70,000 naman ang inaresto, kung saan marami ay hindi man lang dumaan sa tamang proseso; 34,000 ang pinahirapan; habang mahigit 400 ang mga pahayagang naipasara.
3. Metro Manila Skyway, Duterte Legacy?
Ang Metro Manila Skyway Stage 3, na opisyal na binuksan noong Enero 2021, ay isang 18 kilometrong expressway na nagkokonekta sa North Luzon Expressway (NLEX) at South Luzon Expressway (SLEX).
Opisyal na tinuldukan at binuksan ang proyektong ito sa termino ni dating pangulong Rodrigo Duterte. Dahil dito, marami ang napaniniwala sa mga pahayag na ang proyekto ay nasa ilalim ng programang Build, Build, Build ng nasabing pangulo.
Maging si kasalukuyang Senador Mark Villar— na noon ay kalihim ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ay inihayag sa isang Facebook post noong 2021 na ito ay sa ilalim ng proyektong Build, Build, Build ng nasabing administrasyon.
Ngunit kulang ang konteksto ng mga pahayag na ito.
Ang Metro Manila Skyway System ay proyekto na nabuo noon pang panahon ni dating pangulo Fidel V. Ramos. Naaprubahan naman ito noong Setyembre 2013, at opisyal na sinimulan ang konstruksyon noong Enero 2015, sa panahon ni dating pangulong Benigno Aquino III. Bagaman opisyal na nabuksan noong termino ni Duterte, hindi sapat na sa ilalim ng pangalan lamang niya ilagay ang proyekto.
4. Ivermectin, Gamot sa COVID-19?
Simula pa lamang ng pandemya ay sunod-sunod na ang mga istorya’t haka-haka na kumukwestyon sa katotohanan sa likod nito. Habang tumatagal ang pananatili ng COVID-19 sa bansa, nagsimula na rin maglabasan ang mga kwento tungkol sa mga “gamot” umano sa nasabing sakit.
Isa lamang ang Ivermectin, na karaniwang ginagamit upang gamutin ang heartworm diseases sa mga hayop na naging laman ng usap-usapan sa bansa bilang gamot umano sa nasabing sakit.
Ngunit, ayon sa World Health Organization (WHO), wala pang gamot para sa sakit.
Kaugnay nito, ang limitadong paggamit sa Ivermectin ay inaprubahan ng Food and Drug Administration (FDA) ng bansa sa isang ospital lamang noong Abril 2021. Pinayagan din ng FDA ang mga ospital na humingi ng permiso sa kanila sa paggamit ng nasabing gamot, kailangan lamang nilang akuin ang lahat ng responsibilidad na kaakibat nito.
Dagdag pa rito, sinubukan din itong pag-aralan ng Department of Science and Technology (DOST). Ngunit, hindi rin nagtagal ay itinigil din ang pag-aaral at pagsubok dito dahil sa mga pagkaantala sa proyekto; kakulangan ng benepisyong klinikal ayon sa mga naunang pag-aaral; pagkakaroon ng pormal na rekomendasyon sa hindi paggamit ng Ivermectin sa nasabing paraan; at ang pagkakaroon ng mga epektibong therapeutics para sa maagang yugto ng COVID-19.
Dagdag pa ng Department of Health (DOH), wala naman daw makabuluhang epekto ang Ivermectin sa paggamot sa sakit.
5. Bakuna Kontra COVID o Bakunang Magbibigay ng Bagong Sakit?
Nang magsimulang magkaroon ng mga bakuna laban sa COVID-19, naging sunod-sunod din ang paglabas ng iba’t ibang mga impormasyon tungkol dito. At habang nasa kasagsagan ng walang kasiguraduhan, ilang mga indibidwal sa iba’t-ibang mga plataporma sa social media ang nagpakalat na ang mga bakuna kontra COVID-19 ay naglalaman umano ng Human Immunodeficiency Virus (HIV) particles. Ang HIV ay isang uri ng virus na nagiging dahilan ng Acquired Immunodeficiency Syndrome (AIDS) na umaatake sa immune system ng sinumang tatamaan nito.
Hindi totoong may HIV particles ang mga bakuna kontra COVID-19.
Nilinaw ng DOH sa isang Facebook post na hindi naglalaman ng anumang sangkap na nakasasama sa katawan ang mga bakuna kontra COVID-19. Makikita rin sa fact sheets na isinapubliko ng US Food and Drug Administration (USFDA) at Centers for Disease and Control and Prevention (CDC) ang mga sangkap na gamit sa mga bakunang gawa ng Pfizer, Moderna, at Johnson and Johnson.
Karapatang pantao ang pagtanggap ng tama at patas na mga balita; ang paninigurado na ang mga impormasyon na natatanggap ng publiko ay totoo at hindi mapanlinlang ay isa sa pinakamabigat na responsibilidad ng pamamahayag.
Ngayong mas mabilis ang pagpakalat ng mga impormasyon sa tulong ng iba’t-ibang social media platforms, nagiging mas madali na rin ang paglilibing sa katotohanan. Kaya naman, bilang mga indibidwal, ugaliing siguraduhin mo na ang katotohanan sa bawat impormasyong nakikita at nababasa bago ito paniwalaan at ikalat. Maging mapagmatyag, kritikal, at piliin maging katalista ng katotohanan at kalaban ng kasinungalingan.
Artikulo: Charles Vincent Nagaño
Dibuho: Hannah May Manalo
Comments