Noon pa man, paboritong libangan ko na ang pakikinig at panonood ng iba't ibang kwento ng pag-ibig. Nakatutuwa na mapanood sa sala habang nakataas ang mga paa ang paglago ng kwento ng dalawang estranghero. Bawat eksena, tinututukan. Bawat tagpo, ninanamnam. Hindi maipagkakaila na makapangyarihan ang tradisyonal na sistema ng paggawa ng mga pelikulang Pilipino tungkol sa pag-ibig.
Pero kasi, bakit ganoon? Tuwing magbubukas ako ng telebisyon, palagi na lang babae at lalaki ang nakikita kong may pinatutunguhan ang kwento. Ang ibig-sabihin ba noon, wala nang puwang ang ibang kasarian sa larangan ng pag-ibig? Magbabago pa kaya ang sistema?
The System Sucks!
May mga pelikula man na ibinibida ang kwento ng mga miyembro ng LGBTQIA+ community ngunit madalas naman na hindi maganda ang imahe at paglalarawan sa mga katulad nila: mga bading na pogi lang ang hanap o ‘di kaya’y puro pangmomolestiya lang ang alam gawin; mga tomboy na kinatatakutan ng mga babaeng straight.
Sinasalamin ng karamihan sa mga pelikula ang mga stereotype na dekada nang itinatak sa isip ng mga Pilipino. Madalas na kontrabida ang dating ng mga karakter na parte ng bahaghari community sa mga pelikula rito sa Pilipinas. Kung hindi bastos, mang-aagaw naman ang papel. Palaging sidekick ng bida. Palaging 'yung comedic relief lang sa kwento.
Ang mas nakakalungkot pa nga, tila hindi karapat-dapat ang mga miyembro ng LGBTQIA+ community sa malumanay at kalmadong uri ng pag-ibig. Kung hindi mamamatay ang love interest ng bida sa kwento, iiwan naman ito para sa ibang tao. May panahon pa kayang darating na sila naman ang may katitigan? Ang may kayakap, ka-text, at kaaminan?
Entitled pa ba sila sa isang happy ending katulad ng mga kasarian na nakasanayang ibida sa mga pelikula? Magbabago pa kaya ang sistema?
Hindi ako mapakali. Gusto kong malaman kung may lugar nga ba ang komunidad na kinabibilangan ko sa pelikulang Pilipino. Tanggap kaya ako? Tanggap ba kami?
Naghanap ako nang naghanap hanggang sa makita ang iba't ibang mga pelikula at serye na mga katulad ko ang bida. Hindi ko sinayang ang oras at pinanood ko sila isa-isa. Ang saya sa pakiramdam na maramdamang kabilang ka. Tara, panoorin mo rin! Spoilers ahead!
Rainbow's Sunset
Una kong isinalang ang Rainbow's Sunset, pelikula sa direksyon ni Joel Lamangan. Matanda man at may nabuo nang pamilya, inamin ni Ramon sa asawa't mga anak ang tunay na kasarian nang malaman niyang may malubhang sakit ang minamahal niyang si Fredo. Nang payagan ng pamilya, sinamahan niya si Fredo hanggang sa huli nitong hininga.
Naging magulo man nang kaunti ang daloy ng kwento dahil may sariling pamilya na si Ramon at nagdulot ng sakit sa asawa't mga anak, naipahayag pa rin ng pelikulang ito ang hirap na dinaranas ng karamihan sa miyembro ng LGBTQIA+ community hinggil sa pagpapakatotoo sa sarili.
Nakakatakot mang isipin, mayroong mga taong inaabot pa ng ilang taon bago matanggap at maihayag kung sino ba talaga sila dahil na rin sa kultura't paniniwala na matagal nang iniukit sa kapalaran ng bawat Pilipino. Gayunpaman, naipakita ng pelikula na walang expiry date ang pagiging totoo sa sarili. Bata man o matanda—basta't kaya mo na, basta't handa ka na–hihintayin ka ng mundo.
Gaya Sa Pelikula
Siguro, sa lahat ng napanood ko, ang Gaya Sa Pelikula ang pinakapumukaw ng atensyon ko at pinana ang puso ko. Sa direksyon ni JP Habac at panulat ni Juan Miguel Severo, umikot ang seryeng ito sa kwento ng pagtuklas nina Karl at Vlad sa sari-sarili nilang mga identidad.
Tipikal man ang naging daloy ng kwento sa simula dahil umabot sa puntong kailangan na nilang tumira sa iisang bubong para makinabang sa isa’t isa, bago at sariwa pa rin ang dating nito sa akin dahil sa unang pagkakataon, nabigyan din ng tipikal na storyline ang mga bidang miyembro ng LGBTQIA+ community.
Unti-unti ring naging mahiwaga ang daloy ng kwento nina Karl at Vlad. Sa pag-usad ng serye, hindi na ito ang tipikal na rom-com na madalas mong mapanood tuwing Linggo habang naghahanda ng meryenda si mama.
Kwento ito ng pag-ibig; ng paghahanap ng pag-ibig, ng paglaban para sa pag-ibig, at paghahanap ng sarili at kapayapaan dahil sa pag-ibig. Kwento ito ng pagiging matapang upang mas lalong kilalanin at tanggapin ang mga bagay na patuloy mong nalalaman tungkol sa iyong sarili.
Sa totoo lang, maalwan sa pakiramdam na malaman na sa isang dako, sa isang grupo, mayroon at mayroong makakaintindi sa’yo. Mayroong nakakakita; mayroon kang makakasama.
Ginamit na oportunidad ang Gaya Sa Pelikula upang muling bigyan ng mukha ang mga miyembro ng LGBTQIA+ community na matagal nang hinuhusgahan sa nakagisnang lipunan.
Higit sa lahat, ipinakita ng GSP na walang pinipiling kasarian ang pag-ibig. Kahit pa tingin mo hindi ka sapat, kahit pa tingin mo may lamat, lahat tayo ay karapat-dapat na makatanggap ng buo at walang pasubaling pagmamahal.
Die Beautiful
Bawat pelikula ay may kaniya-kaniyang kwento na nais iparating. Tulad na lamang ng Die Beautiful ni Jun Robles Lana. Halos hindi ko na magalaw ang pagkaing nasa tabi ko dahil nakatuon lang ang aking atensyon dito.
Sa kwento ni Trisha, na nakaranas ng pangmamaltrato mula sa kaniyang ama at pagkutya sa kaniyang pagkatao, hindi ito naging hadlang upang patuloy niyang tuparin ang kaniyang pangarap — ang maging isang beauty queen.
Maliban sa pagiging kontesera, hindi mapapantayan ang pagkakaroon niya ng mabuting puso na tumayo bilang isang ina ni Shirley at isang mapagmahal na kaibigan ni Barbs. Paiba-iba man ang emosyong mararamdaman sa pelikulang ito, maraming aral naman ang tiyak na tatatak sa isipan ng mga manonood na tulad ko. Siguro, kung may pagkakataon na mapanood ko muli ang isang pelikula, isa ito sa pipiliin ko.
Sa mata ng iba, kapag napagdesisyunan ng isang tao na magpabago ng kaniyang sarili ay isang malaking kasalanan. Subalit naging daluyan ang pelikulang ito na hindi kailanman magiging hadlang ang pagiging totoo sa sarili at kagustuhan na makamit ang kalayaan mula sa pangmamaliit ng mga tao.
Dahil sumapit man ang ating huling hininga, hindi nila mapipigilan ang kagustuhan na maramdaman ang kapayapaan maging sa ating huling hantungan. Ito’y isang kwento ng pag-ibig na hindi romantiko ngunit pag-ibig na kung saan mararamdaman natin na may taong handang sumuporta sa atin hanggang sa dulo.
Hindi kasalanan ang pagpili sa sariling kapayapaan.
Billie and Emma
Halos mapuno ang aking puso mula sa iba’t ibang kwento ng pag-ibig at mga istoryang nagbibigay boses sa mga hindi kayang maibahagi ang kanilang nararamdaman. Sa ngayon, ito na muna siguro ang huli kong salang ng pelikula.
May pagkakataon na hindi tanggap ng ating mga magulang ang magiging desisyon natin sa buhay dahil iba ito sa kanilang paniniwala o iba ito sa nakikita nilang kinabukasan na dadalhin natin.
Sa kwento ni Billie, ipinadala siya ng kaniyang ama sa isang Catholic girls' school upang makalimutan niya ang pagiging lesbian. Subalit, hindi ito napagtagumpayan dahil nakilala niya ang isa sa pinakasikat sa kanilang paaralan, si Emma.
Mula sa panulat at direksyon ni Samantha Lee, nais niyang maihatid ang istoryang ito bilang isang direktor na miyembro ng LGBTQIA+ community at upang mas maintindihan ng ibang tao na kahit ano mang kasarian ay nararapat na tanggapin sa lipunan.
Sa kwento nins Billie at Emma, puso ang siyang nananaig upang ipakita sa mga tao ang pagiging totoo sa kanilang sarili. Nagkaroon man ng pagkakamali si Emma, handa siyang suportahan at panindigan ni Billie sa kabila ng lahat.
Mali man sa mata ng iba, hindi dapat manaig ang kanilang boses na siyang pumipigil sa atin na makamit ang kalayaang hinihingi natin sa ating mga sarili. Ang mga taong kabilang sa komunidad ng LGBTQIA+ ay may puwang sa mundong ating ginagalawan at hindi dapat diktahan ng kung sino lamang.
Sa Pelikulang Mapagpalaya
Sa mga napanood kong pelikula, isang salita lang ang nais kong iwan—mapagpalaya.
Malaya ang mga ito na ipahayag ang mga saloobin na hindi nasasabi ng bawat taong nakikipaglaban sa hamon ng mapanghusgang mundo. Sa pamamagitan ng paglikha ng iba’t ibang klase ng istorya, mapapatunayan at mabubuksan ang isipan ng iba na hindi dapat maging iba ang pagtingin sa mga kaibigang kabilang sa bahaghari community.
Sana’y matutunan din ng mga direktor at gumagawa ng mga pelikula ang pagkakaroon ng pantay na pagtingin sa iba’t ibang kasarian. Hindi dapat isaisip na kapag parte ng ganitong komunidad ay malaswa o hindi kaaya-aya ang pagtingin sa kanila. Lahat ay may kagustuhang ipaglaban at isulong ang ari at uri na kinabibilangan. Hindi dapat nagkakaroon ng mas lamang na pakikisama at pagbibigay ng higit na representasyon.
Sa patuloy na pagdaan ng mga araw, maraming pelikula pa rin ang patuloy na magpapamulat sa mga nagbubulag–bulagan at nagpapakita ng maling pagtingin sa ibang uri. Hindi man kwento ng pag-ibig, bagkus kwento ng paglaban na may kasamang pagmamahal sa kapwa na nawawalan ng boses sa lipunan.
Sa pamamagitan ng mga pelikula, ating isigaw ang pagiging palaban, mapagpalaya at pagkakaroon ng inklusibong pag-ibig!
Artikulo: Maxine Pangan at Juan Fernandez
Dibuho: Yuko Shimomura
Comments